PatrolPH

'Katakot-takot na torture': Martial law victims inalala ang lagim ng batas militar

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2021 09:07 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Sa paggunita sa ika-49 anibersaryo ng martial law, inalala ng mga biktima nito ang kanilang pinagdaanan sa madilim na yugto ng kasaysayan. 

Ordinaryong estudyante lang noon si Nilda Fullon na naging aktibista matapos makaranas ng pang-aabuso.

Dinukot at ikinulong siya sa ilalim ng martial law ng diktador na si Pangulong Ferdinand Marcos.

"Pinababa nila ang part ng [pang-ibaba ko] para lumabas ang pigi ko, so siyempre umiiyak na ako noon. Iniisip ko baka ang kasunod nito papasukin ako sa isang kuwarto at rereypin na ako," kuwento niya.

Hanggang ngayon, may trauma pa rin siyang nadarama kahit pa halos 5 dekada na ang nakakaraan.

"'Yung torture, mental and physical 'yun, pero ang malalim 'yung mental, kasi hanggang ngayon, hindi pa rin ako kumportable sa mga kampo, mga naka-uniform na military," aniya.

Ang unyonistang si Nestor Yranon, nakaranas din ng pang-aabuso matapos dukutin noon.

"Siguro makailang ulit na pangunguryente 'yun sa lahat ng parte ng katawan ko hanggang sa bayag," aniya.

Isa rin ang gurong si Temy Rivera na ikinulong at nakaranas ng pang-aabuso sa ilalim ng rehimeng Marcos.

"Katakot-takot na torture kasama na ang bugbog, ang interrogation at any time of the day dahil kasama mo 'yung mga arresting officers namin doon sa opisina. So at any time of the day or night, puwede ka nila tawagin for interrogation, bugbog, Russian roulette, all kinds of threats," ani Rivera.

Mahalaga para sa kaniya na matuto ang mga kabataan sa mga aral ng kasaysayan, mula mismo sa mga nakaranas ng malupit na batas militar.

"Konting panawagan sa mga kabataan lalo na 'yung mga nasa pormal na sistema ng edukasyn natin na sana ay maging kritikal tayo sa pananaw," pakiusap nya.

Ayon sa human rights lawyer na si Chel Diokno, hindi na bago ang historical revisionism o pagmanipula sa kasaysayan. Pero aniya, mapupuksa ito kung maghahalal ng mga matitinong lider.

"Sana sa darating na taon, pumili tayo ng lider na sana meron sila nu'ng national conscience," ani Diokno. 

Mensahe naman ni Vice President Leni Robredo, dapat alalahanin ng bawat Pilipino ang pagdurusang dinanas ng bansa sa ilalim ng pamamahala ni Marcos.

"Sa ilalim ng rehimeng Marcos, nagdusa ang Pilipino—ninakawan, tinorture, at pinaslang; ginamit ang ngalan para ibaon ang bansa sa utang, at pagbabayaran ang utang na ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon," paalala niya.

—Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.