PatrolPH

Batanes isinailalim sa ECQ dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2021 12:50 AM

Isinailalim na sa enhanced community quarantine ang lalawigan ng Batanes simula ngayong Lunes dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa anunsyo ng Batanes Provincial Government sa Facebook, magtatagal ang ECQ hanggang Oktubre 4.

Sa huling datos nitong Setyembre 20, mayroong 100 bagong kaso ng COVID-19 kung kaya pumalo na sa 121 ang aktibong kaso. 

Naitala ang mga ito sa anim na bayan: 6 sa Itbayat, 94 sa Basco, 6 sa Mahatao, 1 sa Ivana, 10 sa Uyugan, at 4 sa Sabtang. 

Bunga umano ng community transmission ang paglobo ng mga kaso. 

Setyembre 16 nang may matukoy ang Batanes General Hospital na 4 na residenteng COVID positive matapos sumailalim sa RT-PCR Test. 

"Dahil walang travel history, ito ay maituturing na kauna-unahang kaso ng community transmission sa probinsya," sabi ng pamahalaang panlalawigan sa inilabas nilang anunsyo sa Facebook. 

"Ayon din sa ulat ng BGH, marami ang nagpapakonsulta na mga nagpopositibo sa Rapid Antigen Test." 

 

Noong Setyembre 17, ipinag-utos din ni Governor Marilou Cayco sa ilalim ng Executive Order No. 24 series of 2021 ang mas istriktong panuntunan para matugunan ang paglaganap ng COVID-19 virus. 

Kinansela na rin ngayong Lunes ng Provincial COVID-19 Task Group ang inbound passenger flights o biyahe ng mga eroplano na may dalang pasahero papasok ng Batanes. 

Kinumpirma din ng pamahalaang panlalawigan na simula Setyembre 18 ay nasa maximum capacity na ang Batanes General Hospital. Giit pa nito, napalala pa ang sitwasyon ng pinsalang idinulot ng bagyong Kiko sa mga istruktura kung kaya hindi na kakayaning tumanggap ng mga inbound passenger na kinakailangan din sumailalim sa quarantine sa mga pasilidad. 

Pinapahintulutan pa rin naman ang operasyon ng SkyPasada at NorthSky, pero limitado lang ito sa pagbiyahe ng mga cargo at outbound passengers. 

Maaari rin ang humanitarian flights pati na emergency cases, pero dapat ay may koordinasyon sa pamahalaang panlalawigan. Bago ang paglobo ng aktibong kaso, mayroon lamang kabuuang 17 COVID-19 cases ang Batanes na pawang mga recovered o gumaling na sa sakit at wala rin naitalang namatay. 

Pero sa ngayon ay umaabot na sa 138 ang kabuuang COVID-19 cases sa probinsya. — Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.