PatrolPH

2 pulis, 1 sibilyan arestado sa sabungan sa Mati City

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2021 12:36 AM

Sinalakay ng kapulisan ang isa umanong ilegal na sabong na ginanap sa Barangay Dahican sa Mati City, Davao Oriental Linggo ng umaga. 

Tumugon ang pulisya matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay sa sabong sa barangay na ipinagbabawal ngayong pandemya. 

Pagdating sa lugar, inabutan ng mga pulis ang mga sumisigaw na sabungero habang naglalaban ang mga manok. 

Ayon sa pulisya, agad nagtakbuhan ang mga sabungero nang mapansin ang mga pulis sa lugar, pero tatlo sa kanila ang naaresto. 

Narekober sa lugar ang tatlong panabong na manok, mga tari, at perang nagkakahalaga ng P170. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na dalawang pulis ang sangkot sa sabong na kinilala ng mga awtoridad na sina Police Corporal Linwell Salvaña at Police Staff Sergeant John Declem Soriano, na pawang na-assign sa Provincial Intelligence Unit sa Davao Oriental Police Provincial Office. 

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Presidential Decree 449 o ang Cockfighting Law of 1974 laban sa dalawang pulis at ang sibilyan na si Noel Escasinas, na kinilala bilang kapatid ng isang barangay chairman sa lugar. 

- ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.