P3.5-M halaga ng pampasabog natunton sa bulubunduking bahagi ng N. Samar

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2020 04:55 PM

SAN ANTONIO, Northern Samar — Aabot sa P3.5 milyon na halaga ng mga pampasabog ang nakuha ng mga awtoridad nitong Linggo sa Brgy. Burabod sa bayan na ito. 

 

Nakuha ang mga pampasabog matapos ang isinagawang intelligence-driven operation at follow-up investigation sa naiulat na pagsabog sa San Antonio noong Setyembre 17, kung saan isang residente ang nasugatan.

Sa pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar ay natunton ang pinagtataguan ng mga pampasabog sa bulubunduking bahagi ng barangay.

Kasama sa mga nakuha ang 34 kilo ng Tri-Nitro Toluene, 25,000 piraso na blasting caps, at 3.5 metro ng detonating cord.

Ayon pa sa impormasyon mula sa Northern Samar Police Provincial Office, ang mga nakuhang mga pampasabog ay ginagamit umano sa paggawa ng dinamita, na ginagamit naman sa illegal fishing.

Nadala na sa tanggapan ng pulisya ang mga nakuhang pampasabog.

Patuloy din ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol dito upang matunton ang may ari ng mga pampasabog at para mapanagot sa batas.


—Mula sa ulat ni Ranulfo Docdocan 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.