Mga pataniman ng marijuana, sinunog sa Cordillera

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2020 01:24 AM | Updated as of Sep 21 2020 01:03 PM

MAYNILA - Sinunog ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya ang nasa P13.96 milyong halaga ng marijuana sa nadiskubreng 3 taniman sa Tinglayan, Kalinga nitong Linggo.

Sa ulat ng PDEA-Cordillera Administrative Region (CAR), may lawak na 4,000 square meters ang lupa na tinaniman ng marijuana sa Barangay Bugnay. 

Pinagbubunot ang 69, 800 halamang marijuana at sinunog sa site bilang bahagi ng tinaguriang eradication operation. 

Mga pataniman ng marijuana, sinunog sa Cordillera 1
Courtesy of PDEA-CAR

Sa hiwalay na operasyon ng PDEA sa Mt. Province noong parehong araw, nakumpiska naman ang nasa 17,000 kilo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P2.04 milyon. 

Narekober ang 17 marijuana bricks na tig-iisang kilo ang timbang sa Sitio Sukit, Barangay Samoki sa bayan ng Bontoc. 

Balot ng plastic at tape ang bawat brick at nakapaloob sa sa isang malaking kahon. 

Mga pataniman ng marijuana, sinunog sa Cordillera 2
Courtesy of PDEA-CAR

Samantala, inaresto naman ng PDEA sa Baguio City ang isang 41 anyos na call center agent dahil sa pagtutulak umano ng shabu. 

Nagsagawa ng buy-bust operation ang PDEA-Baguio sa Lower Magsaysay para mahuli ang suspek. 

Nakumpiska sa kaniya ang sachet na may 0.5 gramo ng shabu at mga drug paraphernalia. 

Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.