2 lalaki nahulihan ng baril, P816,000-halaga ng droga sa Makati buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2020 05:07 PM | Updated as of Sep 21 2020 07:53 PM

MAYNILA — Arestado ang 2 lalaki sa ikinasang buy-bust operation sa Makati City, kung saan nahulihan sila ng higit P800,000 na halaga ng hinihinalang ilegal na droga at isang baril.

Ayon sa Makati police, nagsagawa sila ng operasyon matapos makakuha ng impormasyon ukol sa ilegal na gawain ng mga suspek.

Nagpanggap na bibili ng droga sa suspek ang isang pulis at nagkita sila sa Laperal Compound sa Barangay Guadalupe Viejo.

Pagkatapos ng transaksyon, agad hinuli ang 2 lalaki.

Nakuha sa isang lalaki ang 5 sachet ng hinihinalang shabu, at nakuha naman sa kasama nito ang 3 pang sachet at isang baril.

Sumatutal, nasa P816,000 ang kabuuang halaga ng mga nasabat na pinaghihinalaang droga.

Inaalam na ng pulisya kung sino ang supplier ng mga suspek at ang kanilang background.

Nakakulong na ang mga ito sa isang istasyon ng Makati police.


—Mula sa ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.