‘Sobrang lugi’: Hog raisers sa QC idinaing ang pagpatay sa halos 2,000 baboy

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2019 06:22 PM | Updated as of Sep 21 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Halos 2,000 baboy sa Barangay Payatas, Quezon City ang papatayin o isasailalim sa tinatawag na "culling" simula Linggo upang maiwasan ang pagkalat ng African swine fever sa lungsod.

Sabi ng opisyal ng Payatas, maging sila ay nagulat sa bilis ng pagkamatay ng mga baboy sa kanilang barangay.

"Massive 'yung mortality rate. Masyadong mabilis. Di namin akalain na ganun kabilis magiging epekto. Wednesday lang kami nag-report, until now may mga nagre-report na dumudugo ang tenga ng baboy nila, mahina na," sabi ni Florante Clarita, barangay administrator of Barangay Payatas.

Nito lamang Sabado, halos 20 baboy ang namatay sa lugar. 

Noong Biyernes, kumpirmadong 21 sa 35 blood samples ng baboy mula QC ang nagpositibo sa ASF.

Kaya para maagapan ang pagkalat ng virus, sisimulan na ng QC veterinary office ang culling sa nasa 2,000 baboy sa Payatas sa pamamagitan ng lethal injection.

Nag-alok ang QC ng P3,000 kada baboy na isu-surrender para sa culling pero giit ng hog raisers, sobrang lugi sila dito.

Pumapatak kasi na presyo lamang ito para sa mga biik dahil naglalaro daw sa P8,000-P14,000 ang halaga ng isang baboy. 

"Malungkot. Wala na kaming kabuhayan. Dapat kikita kami ng P500,000, ngayon ang matatanggap namin P129,000 lang," sabi ni Rosalia Mariano, na magsusuko ng 43 baboy.

Si Josephine Gampa, gagamitin na lang daw ang financial assistance para magtayo ng maliit na negosyo.

Para hindi na umusbong pa ang swine fever sa Payatas, nagdagdag na ng checkpoints ang naturang barangay.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.