Mga residente ng Puerto Princesa, pinag-iingat sa polusyon dulot ng haze

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2019 06:41 PM

Natatakpan ng hamog na dulot ng haze mula sa Indonesia, ang isang baybayin sa Puerto Princesa City sa Palawan. Handout

PUERTO PRINCESA - Naglabas na ng air quality advisory nitong Biyernes ang lokal na pamahalaan dito na nag-uutos sa publiko na mag-ingat at protektahan ang sarili mula sa haze na dulot ng mga nasusunog na kagubatan sa Indonesia.

Alinsunod ito sa pinakahuling sample na nakuha ng Department of Environment and Natural Resources na kalidad ng hangin sa lungsod.

"Nitong nakaraang lingo, 'yung record na naitala 'yung ating ambient air quality monitoring system, lumampas siya doon sa DENR standards na air quality. Hindi naman talaga siya talagang critical but I think ang itinaas niya is around above normal," ani Atty. Carlo Gomez, officer ng Puerto Princesa city environment and natural resources office.

Iminungkahi ng naturang opisina ang pagsuot ng mga face mask, dust mask o eye goggles bilang proteksyon sa mga polusyon sa hangin.

Ipinapaiwas din ang pag-jogging o pagtakbo sa labas dahil mas nalalanghap ng katawan ang mga pollutant kapag gumagalaw.

Paliwanag ng mga opisyal, ang mga abo na nasa hangin na dala ng haze ay malaki ang posibilidad na pumasok sa ating mga baga, lalo na kung matagal na mananatili sa labas.

"No. 1 din na gusto naming bigyan ng advisory ay 'yung mga member ng community natin na they are already suffering from respiratory diseases, and also of course 'yung mga minor children kasi nga sila 'yung prone sa ganitong mga sakit. 'Yung mga immune system nila mababa at hindi pa ganoon kagaya sa atin na matured o adult," ani Gomez.

Patuloy babantayan ang hangin upang ipaalam sa publiko kung ligtas na ito sa mga alikabok na kasalukuyang matatagpuan sa hangin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.