Lalaki sa Antique timbog matapos mahuli ang kalaswaan sa harap ng dalagita

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2019 03:36 PM

Natulala ang dalagita nang abutan ang suspek sa harap ng kanilang gate habang nilalaro umano ang ari nito. Screengrab

CULASI, Antique — Kalaboso ang isang lalaki sa bayan na ito dahil sa ginawa niyang kalaswaan sa harap ng isang dalaga noong Huwebes.

Sa kuha ng CCTV, kita ang paglabas ng babaeng biktima sa gate ng kanilang bahay noong Huwebes ng gabi.

Nakasalubong niya ang suspek at doon na siya nito tiningnan sabay labas ng ari. Dumeretso lang ang babae at hindi pinansin ang lalaki.

Pero ilang minuto nang pabalik na ang dalagita sa kaniyang bahay, tumambay na pala ang lalaki sa kanilang gate habang nilalaro ang kaniyang maselang bahagi.

Nagulantang ang babae kaya't umalis ang suspek palayo na tila ba walang nangyari.

Agad pumasok ang biktima sa bahay dahil sa takot.

Naaresto ang suspek noong Biyernes na natuklasang lasing pala.

"Under siya sa influence of liquor kagabi... Hindi natin masabi na dahil sa kalasingan, kasi nung nakasalubong niya ang babae, nakalabas na 'yung ari," ani Police Lt. Clark Philip Dinco, hepe ng Culasi police.

Inaalam pa ng pulisya kung may problema sa pag-iisip ang suspek.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang biktima, pero ayon sa kaniya, desidido siyang magsampa ng kaso.

Payo naman ni Dinco: "Ine-encourage ko 'yung mga kababaihan natin na huwag silang matakot na tumayo, lumaban para mabawasan itong manyakis sa bayan natin."

Nahaharap ang lalaki sa kasong acts of lasciviousness.

—Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.