Ilang ka-barangay ng polio victim sa Laguna nangangamba

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2019 07:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Nangangamba ang ilang magulang sa Barangay Lingga, Calamba City, Laguna sa kalusugan ng kanilang mga anak matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH) na naroroon ang pinakahuling nagpositibo sa sakit na polio.

Natakot ang residenteng si Janette Buffe dahil 7 sa 8 niyang anak ay hindi pa nababakunahan.

"May trabaho po kasi ako noon. Ngayon lang po ako nabakante," ani Buffe.

Mas madalas na kabataan na 5 anyos pababa ang mabilis na nakakakuha ng polio virus kaya sisiguruhin ng residenteng si Anastacia Reyes na pababakunahan na niya ang kaniyang 5 anyos na anak.

Agad na raw dinala sa Maynila ang batang tinamaan ng polio para doon gamutin.

"Malnourished na malnourished eh at baka kung ano pa ang mangyari, kaya dinala [ang bata] sa PCMC (Philippine Children's Medical Center)," ani DOH-Calabarzon chief Edward Janairo.

Tuloy-tuloy ang pagbibigay ng oral polio vaccine sa Barangay Lingga tuwing Miyerkoles at sapat ang kanilang suplay ng bakuna, ayon sa mga opisyal.

Pero bukod dito, nanawagan si Cherielyn Federico, kagawad at miyembro ng committee on health ng Barangay Lingga, sa mga residente na linisin ang kanilang mga paligid.

"Iyung kalinisan po. Pakikipagtulungan din po. Mismong sa pamilya, magkaroon po ng ganoong proper hygiene, maisagawa po nila," ani Federico.

Nakakahawang sakit ang polio, na karaniwang umaatake sa nervous system ng isang tao.

Nakukuha ang polio kapag nahahawakan ang dumi o feces ng taong mayroon nito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Maynila, plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpatayo ng sewage treatment plant na sasalo sa maruming tubig mula Baseco bago ibalik sa Manila Bay.

Ayon kay MMDA chief Danilo Lim, parte na kasi ito ng dahilan kung bakit nanumbalik sa Pilipinas ang polio.

"Malaking bahagi ang edukasyon ng ating mga kababayan lalo na sa lugar na ito dahil sila ang taga-rito... Hindi puwede 'yung kung saan-saan lang bumutas at 'yung dumi doon, nagsi-seep din 'yan sa ating water table," ani Lim.

Umarangkada rin ang clean-up drive kaakibat ng International Coastal Clean-Up day.

Nakiisa rito ang mga residente ng Baseco compound, gaya ni Laarni delos Reyes na nangangamba sa pagpositibo ng polio virus sa kanilang tubigan.

"Iyung mga anak ko rin, turuan ko sila na maski papaano makipagtulungan sa paglilinis dito," ani Delos Reyes.

Nanawagan naman si Pasig River Rehabilitation Commission spokesperson George Dela Rama na sundin ang environmental laws para maiwasan pa ang pagdami ng basura lalo't bumalik sa bansa ang polio.


--Ulat nina April Magpantay at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.