Abogado patay matapos barilin sa harap ng bahay sa Muntinlupa

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2019 08:46 AM | Updated as of Sep 21 2019 03:53 PM

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATED) - Patay ang isang abogado matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa labas ng kaniyang bahay sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City, Sabado ng madaling-araw.

Dead on the spot si Jesus Acpal, 68 anyos, na retirado ring police colonel.

Ayon sa report ng Muntinlupa City police, narinig ng mga residente ng Katarungan Village ang mga putok ng baril pasado ala-1 ng madaling-araw.

Napag-alaman na bumaba noon si Acpal mula sa minamanehong SUV para buksan ang gate at igarahe ang kaniyang sasakyan.

Sakay sa SUV ang isang anak ni Acpal.

Narekober sa crime scene ang 11 basyo ng bala ng hinihinalang calibre .45.

Iniimbestigahan pa ng mga pulis ang motibo sa pamamaril at kung may natanggap na banta sa buhay ang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.