'Pambabaluktot' ni Enrile sa batas militar ni Marcos, binatikos ng mga biktima

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2018 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umani ng sari-saring reaksiyon ang lumutang na video ni dating senador Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. kapanayam si dating Senate President Juan Ponce Enrile na layon umanong "ituwid" ang kasaysayan sa ilalim ng batas militar noon.

Huwebes ng gabi nang i-upload ni Marcos ang video kasama si Enrile, ang itinuturing na arkitekto ng martial law.

Ayon kay Enrile, wala raw napatay o naaresto sa ilalim ng martial law dahil lang sa pagtuligsa kay dating diktador Ferdinand Marcos. Nagsilbing defense minister ni Marcos si Enrile. 

"They claim that we killed a lot of people...Name me one person that was arrested because of political or religious belief. None... Name me one person that was arrested simply because he criticized President Marcos. None," ani Enrile.

Pero giit ng mga biktima ng martial law, isang malaking kalokohan ang mga sinabi ni Enrile. 

Ani dating senador Nene Pimentel, apat na beses siyang nakulong noong martial law.

"Ang daming namatay, ang daming nag-disappear na mga kababayan natin. So 'yan ang dapat na ibigay natin na pangungusap sa mga millennial," aniya. 

Si dating Social Welfare Secretary Judy Taguiwalo na dumanas ng torture noong martial law, natawa na lang sa mga pahayag ni Enrile.

"I can tell you about how I was forced to sit on ice naked while I was being interrogated... I can tell you of stories of young men and women who disappeared... I don't know how you would distort these stories," ani Taguiwalo. 

Paalala rin ni dating Commission on Human Rights (CHR) Chair Etta Rosales, mismong si Enrile ay pumirma sa batas na kumikilala sa mga biktima ng diktadura. 

"[W]hat in heaven's name was he doing in the Senate when they actually passed the law recognizing the martyrdom of all those who fought for democracy under the dictatorship?" pagtataka ni Rosales.

Para kina Rosales at Taguiwalo, maliwanag ang pakay ng video nina Marcos at Enrile.

Nais umano nila baluktutin ang kasaysayan at pabanguhin ang mga Marcos para kalaunan ay makabalik sila sa kapangyarihan.

—Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.