Pagpapabago sa Pambansang Awit, watawat kinontra ng ilang eksperto

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2018 09:57 PM | Updated as of Sep 22 2018 04:57 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umalma ang ilang eksperto sa panukalang pagpapabago ng Pambansang Awit at sa watawat ng Pilipinas. 

Ito ay matapos isulong ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang pagpapabago ng huling linya ng “Lupang Hinirang” at ang pagsulong ni Senador Richard Gordon na dagdagan ng isa pang sinag ng araw ang watawat para kumatawan sa Muslim leaders na kasama sa rebolusyon laban sa mga Kastila. 

Ayon sa historian na si Xiao Chua, sapat na ang linyang "Ang mamatay nang dahil sa'yo" sa Lupang Hinirang bilang simbolo ng kahandaan ng mga Pilipino na ipaglaban ang Pilipinas. 

“Kapag ikaw ay nilusob o nilupig ay handa kang ipaglaban na hanggang mamatay,” paliwanag niya. 

Nais kasi ni Sotto na gawing “ang ipaglaban ang kalayaan mo” ang huling linya ng Pambansang Awit.

Ayon naman kina Chua at sa historian at kuwentistang si Jose Victor Torres, hindi sumisimbolo ang walong sinag sa lalawigang unang naghimagsik kundi sinisimbolo nito ang 8 lalawigang unang isinailalim sa batas militar sa ilalim ng mga Kastila noong 1896, na iba sa batayan ni Gordon para sa kaniyang ipinapanukalang pagbabago.

Ayon pa kay dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna, sa bisa lamang ng national referendum kung saan kinakailangang bumoto ng taumbayan maaaring mabago ang Pambansang Awit. 

“Kailangan isumite ang pagbabago ng National Anthem sa isang plebesito o referendum at kailangan paboran ng voters bago maging epektibo ang pagbabago ng National Anthem,” paliwanag ni Azcuna, na kasapi ng mga nagbalangkas ng 1987 Constitution. 

Narito ang nakasaad sa Artikulo 16, Seksyon 2 ng Saligang Batas: 

“The Congress may, by law, adopt a new name for the country, a national anthem, or a national seal, which shall all be truly reflective and symbolic of the ideals, history, and traditions of the people. Such law shall take effect only upon its ratification by the people in a national referendum.”

Bagama't nakasaad sa Saligang Batas ang anyo ng bandila, hindi aniya nakasaad kung ilan dapat ang sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas. 

Kaya ani Azcuna, magpasa na lamang ng batas kung nais isulong ang siyam na sinag o amyendahan na lamang ang probisyon nito sa Saligang Batas. 

“We have always consecrated and honored the sun with 8 rays. Baka kung dagdagan mo 'yan maaaring iniba mo yung ‘consecrated and honored’ so kelangan i-amend ang Constitution so debatable 'yan. So to be safe, i-submit na rin sa plebiscite,” aniya. 

-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.