Mga kabataan nanguna sa mga protesta sa anibersaryo ng martial law

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2018 06:46 PM | Updated as of Jan 09 2020 03:56 PM

Nagsanib-puwersa nitong Biyernes ang mga estudyante mula sa iba't ibang paaralan sa Maynila upang magprotesta kasabay ng ika-46 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar. 

Sa gitna ng init at bumubugsong pag-ulan, lumabas ang mga estudyante mula sa University of the Philippines (UP), University of Santo Tomas (UST), Polytechnic University of the Philippines (PUP), Ateneo de Manila University (ADMU), Adamson University, De La Salle University (DLSU), College of St. Benilde (CSB), at iba pang mga paaralan para gunitain ang alaala ng martial law.

Watch more in iWantTFC

Sigaw ng marami sa mga ito: "Never again, never again to martial law!"

Sa UP Diliman, tinakpan ang Palma Hall ng “Never Again” banner at nagpirmahan pa ang mga opisyal ng UP para magtayo ng bantayog para sa mga biktima ng martial law.

"[Ito ay para sa] dakilang alaala ng mga araw ng pakikibaka ng mga taong nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay upang kailanman ay hindi makalimutan at hindi na muling maulit [ang martial law]," ani UP President Danilo Concepcion.

Samantala, nagtungo naman ang mga estudyante sa tapat ng UST para doon gunitain ang mga nangyari noong martial law.

Sa harapan ng mga dambuhalang portrait nina Pangulong Rodrigo Duterte, House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, at dating senador Bongbong Marcos ay nagprotesta ang mga Tomasino bago magtungo sa Mendiola.

Para kasi sa kanila, kahit ilang taon na ang nakaraan nang maideklara ang martial law ay nararamdaman pa rin ang epekto nito hanggang sa ngayon.

At kahit bumuhos pa ang ulan, di natigil ang programa. Kalaunan, dumeretso na sila patungong Luneta.

Ang 100 estudyante ng PUP naman, nagmartsa din patungong Luneta.

Paniwala ng mga "millennial" ay kahit hindi nila naabutan ang sinasabing pinakamalagim na kasaysayan ng bansa, mahalaga pa rin itong maalala ngayon.

"Iyung history kasi 'yan ang pinagbabasehan natin kung paano tayo gumalaw. Kung saan tayo nagkamali, doon tayo natututo," ani Alex Lawrence Bonita.

Aminado ang ilang kabataan na hindi lahat sa kanila ay may pakialam at may posibilidad din ng "paglilinis" ng imahe ng martial law kaya ganun na lang umano kaimportante ang malaman ang katotohanan.

"Ako kasi kapag nag ri-research po ako hindi po ako kumukuha sa iisang source lang...Tinitingnan ko po ang bawat sides," paliwanag ni Nicole Pugot.

Naniniwala ang ilang mga millennial na hindi mamamatay ang kasaysayan ng martial law kung magtutuloy-tuloy lang ang pag-alala dito at pagbabantay sa mga nangyayari ngayon.

AQUINO MAY PASARING KAY ENRILE

Watch more in iWantTFC

Sa isang banda naman, isang "mass for peace" ang dinaluhan ni dating pangulong Benigno Aquino III, Vice President Leni Robredo at mga kaalyado nila sa politika sa DLSU kasabay sa paggunita sa ika-46 anibersaryo ng pagdedeklara ng martial law. 

Para kay Aquino, hindi dapat paniwalaan ang mga sinabi ni dating senador Juan Ponce Enrile sa kumalat na panayam niya kay dating senador Bongbong Marcos na layon umanong "baluktutin" ang mga naganap noong batas militar.

Dating defense minister ng namayapang diktador na si Ferdinand Marcos, ama ni Bongbong Marcos, si Enrile. 

"Medyo may edad na si [Enrile], hindi siguro puwedeng gawing dahilan iyon para maniwala tayo sa gusto niyang pagbabago ng katotohanan," giit ni Aquino. 

Pinasinungalingan din ni Aquino ang sinabi ni Enrile na may sabwatan noon sa pagitan ng mga komunista at Liberal Party kaya napilitan si Marcos na magdeklara ng martial law.

Nanindigan naman si Robredo na dapat maging mapagmatyag ang mga Pilipino ngayon dahil sa patuloy na banta sa demokrasya.

PRO-DUTERTE RALLY

Watch more in iWantTFC

Samantala, nag-organisa ng sariling programa ang grupong "Duterte Diehard Supporters" para kontrahin ang mga anti-Duterte group.

Kahit bumuhos ang ulan, nagsibabaan mula sa mga bus ang mga supporter ni Duterte sa Quirino Grandstand. Ang iba, galing pa sa mga probinsya. 

Ang Duterte Diehard Supporters ang nag-organisa ng event na tinawag nilang "Protect the President, Protect the Philippines from Evil" rally. 

"Gusto namin ipakita sa kanila na handa kaming lumaban hanggang sa huling hantungan," ani Julius Ursua, isa sa mga organizer.

Giit nila, hindi raw dapat sisihin si Duterte sa mga problema ng bansa, tulad ng taas-presyo ng bilihin.

"Tingin namin sinadya itong pataasin para masira ang pangulo," teorya ni Ursua. 

Ayon sa grupo, hindi titigil ang kanilang programa hangga't nandiyan ang anti-Duterte groups.

Pero sa kabila ng mahigit 20 bus at sasakyan na naghatid sa mga supporter at mga naglalakihang tarpaulin ng mga politiko, nilinaw nila na "maliit" lang ang kanilang pondo at hindi sila nakipag-coordinate sa mga lokal na pamahalaan para sa rally.

Ang Manila Police District, sinigurong hindi aalisin ang kanilang barikada sa gitna ng mga pro- at anti-Duterte groups para raw maiwasang magkagirian. 

— Ulat nina Jasmin Romero, Adrian Ayalin, at Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.