Bilang ng patay sa Cebu landslide umakyat na sa higit 20; nasa 60 hinahanap

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2018 04:56 PM | Updated as of Jan 09 2020 03:52 PM

Watch more in iWantTFC

 
MANILA – Lagpas 20 na ang naitalang patay sa nangyaring landslide sa Naga, Cebu noong Huwebes. 

Ayon sa Philippine National Police, naitala nitong alas-2 ng hapon ng Biyernes na 29 na bangkay na ang nahukay mula sa landslide area na nagbaon sa higit 20 bahay sa mga barangay ng Tina-an at Naalad. 

Nakatanggap rin umano ng ilang ulat ang Naga City police na may ilang biktima pang nakapag-text para humingi ng tulong. 

Nasa higit 600 katao na ang nasa evacuation center. Dumami ang evacuees matapos magsagawa ang mga awtoridad ng forced evacuation sa mga residente sa mga lugar na kritikal pa ang sitwasyon matapos ang landslide.

Nangako ang Naga City Social Welfare And Development Office na magbibigay sila ng ayuda sa mga nasalanta.

May mga batang nakitaan ng sintomas ng trauma sa evacuation area dahil sa landslide kaya isinailalim na sila sa stress debriefing. 

Bumisita naman si Pangulong Rodrigo Duterte sa East Poblacion Barangay Hall sa Naga, Cebu kung saan namamalagi ang mga apektadong residente. 

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nais makiramay ng pangulo sa pamilya ng mga nasawi sa landslide

Watch more in iWantTFC

Samantala, isinara muna sa mga residente ang ground zero ng landslide site dahil pinangangambahan pang maulit ito. 

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau, matagal na silang nag-abiso na peligroso sa landslide sa Sitio Sindulan.

Aminado ang alkalde ng Naga City na nakatanggap sila noong Agosto 28 ng reklamo mula sa mga residente sa Sitio Tagaytay na halos 1 kilometro lang ang layo sa Sitio Sindulan.

--Ulat nina Joyce Balancio, Leleth Rumaguera, at Joworski Alipon ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.