Anibersaryo ng deklarasyon ng martial law, sinalubong ng protesta sa mga lalawigan

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2018 11:52 PM | Updated as of Sep 22 2018 05:44 AM

Kaliwa't kanang mga protesta ang isinagawa sa ika-46 na anibersaryo ng deklarasyon ng martial law ng dating diktador na si Ferdinand Marcos sa iba't ibang mga lalawigan sa bansa.

Nagsagawa ng protesta ang iba't ibang grupo sa Baguio City para alalahanin ang madilim na panahon sa kasaysayan ng bansa.

Isang protesta rin ang pinangunahan ng iba't ibang grupo sa Iloilo City.

Sa Tacloban City, nagtungo sa kalsada ang iba't ibang grupo para ipahayag ang kanilang panawagan na sana'y hindi na maulit ang martial law.

Hiling rin ng mga raliyista, sana may magawa ang administrasyong Duterte para malutas ang problema ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na nagpapahirapa sa mga Pilipino.

Idinaan naman ng mga miyembro ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino sa Bacolod City sa isang torch parade ang kanilang saloobin.

Ayon sa grupo, nais nilang mapukaw ang kamalayan ng mga Pilipinos sa kalagayan ng bansa.

Nangangamba umano sila na baka maulit ang mga nangyari sa panahon ng martial law sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Ferdinand Marcos, kaya nananawagan ang grupo ng pagkakaisa.

Hinihikayat rin nila ang mga Pilipino na tutulan ang ano mang tangkang ibalik ang martial law.

Samantala, sa Puerto Princesa City, ipinagdasal naman ng mga miyembro ng iba't ibang non-government organization, simbahang Katoliko, mga kabataan at Makabayan Palawan ang mga naging biktima ng martial law.

Kinundena rin ng mga grupo ang nagpapatuloy na kultura ng pamamaslang sa bansa.

- mga ulat nina Micaella Ilao, Cherry Palma, Ranulfo Docdocan, Nico Delfin, at Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.