2 umanong kasapi ng NPA arestado

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2018 06:25 PM

Itinanggi ng dalawang suspek na kabilang sila sa mga rebelde. Pinatuloy lamang umano nila ang mga nakatakas na suspek sa kanilang bahay nang humingi ng tulong sa kanila.


DAVAO CITY - Dalawang hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nahuli sa operasyon ng Davao City Police sa Barangay Langub dito, Biyernes ng hapon.

Narekober mula sa loob ng bahay ng mag live-in partner ang isang granada, detonator ng landmine, mapa at baril na nakalagay sa loob ng bag.

Ayon sa pulisya, may 14 pang miyembro ng NPA na nakatakas. Naiwan rin ng mga tumakas na rebelde ang tatlong motor na pagmamay-ari nila. 

Mula sa mga narekober na mga gamit, kita umanong may pinaplanong pag-atake ang grupo sa lungsod.

“Confirmed 'yung aming mga information na na-receive na mayroon talaga silang plano na pag-atake sa ating mga police and AFP [Armed Forces of the Philippines] detachments and even commercial establishments ay maaari rin nilang atakihin,” sabi ni Chief Supt. Marcelo Morales, Regional Director ng Police Regional Office XI.

Aminado naman ang lalaking suspek na dati siyang miyembro ng NPA pero tumiwalag na umano ito noong 2012.

Kapwa mariing itinanggi ng mag-live in na kabilang sila sa NPA. Pinatulog lang umano nila sa kanilang bahay mula noong Lunes ang mga tumakas na rebelde nang humingi ng tulong sa kanila.

Mismong ang mga residente na ang nagsumbong sa barangay nang mapansin nila ang kahina-hinalang mga lalaki sa kanilang lugar.

Sa ngayon, pinaghahanap pa rin ng awtoridad ang mga nakatakas na mga suspek.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.