Suspek sa pagkasawi ng law student, nasa Amerika na; dating naaresto dahil sa away-frat

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 09:22 PM

Nakalabas na ng bansa ang isa sa mga itinuturing na pangunahing suspek sa kaso ni Horacio "Atio" Castillo III, ang University of Santo Tomas (UST) law student na biktima ng hazing.

Ayon sa Bureau of Immigration, nakalabas na ng bansa ang suspek na si Ralph Trangia isang araw bago nila inilabas ang lookout bulletin para sa mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity na idinadawit sa pagkasawi ni Castillo.

Lumipad patungong Taipei, Taiwan ang suspek at tumuloy umano sa Amerika.

Para sa Manila Police District (MPD), nangangahulugang guilty si Trangia.

Lumabas din sa background check ng MPD kay Trangia na dati siyang inaresto matapos masangkot sa away ng Aegis Jvris at isa pang fraternity noong Nobyembre 2016.

Sa ngayon, monitoring lang sa tulong ng international agencies ang magagawa ng MPD, lalo't wala pang warrant of arrest para kay Trangia.

Naniniwala naman ang MPD na nasa Pilipinas pa ang isa pang pangunahing suspek sa kaso ni Castillo na si John Paul Solano.

Unang nagpakilalang si Solano bilang nakakita at nagdala sa bangkay ni Castillo sa ospital.

May ilang impormasyong natatanggap ang pulisya na kinakanlong o tinatago ng ilang kasamahan sa fraternity si Solano. 

Posible rin umanong armado ang suspek.

Suspek, tinukoy ng guwardiya

Isinalaysay naman ng guwardiyang nakakita kay Solano kung paano dinala ang katawan ni Castillo sa ospital.

Batay sa CCTV, sa tulay ng Dimasalang sa Maynila nanggaling ang pulang pick-up truck na naghatid umano kay Castillo sa ospital. 

Alas-8:57 ng umaga nang makita ang pulang sasakyang pumasok sa Chinese General Hospital, kasunod ang nakamotor na si Solano.

May kakaibang napansin ang guwardiya ng ospital dahil hindi tulad ng emergency cases na deretsong dinadala ang pasyente sa loob ng emergency room, pumarada pa muna ang pulang pick-up truck sa ospital.

Nagtanong din daw muna sa loob ng emergency room si Solano tungkol sa proseso kapag may pasa o ibang kondisiyon ang pasyente.

Ipinakita ng ABS-CBN News ang retrato ni Solano sa guwardiya at kinumpirma niyang siya nga ang lalaking nakita niyang nagdala kay Castillo sa ospital.

Iisa lang din umano ang damit na suot ni Solano sa larawan at nang makita siya ng guwardiya.

Kapansin-pansin na umano'y nanginginig at parang aligaga si Solano, na nailaglag pa ang lisensiya nang hingin ng guwardiya.

Lumabas din daw ng sasakyan ang driver na nasa pulang pick-up na nasa edad 30 pataas, pero umalis din kalaunan.

Ayon sa pulis, tukoy nila ang may-ari ng sasakyan bilang si Antonio Trangia, ama ni Ralph.

Samantala, may ilang estudyante ng UST na umalma matapos sabihing mali ang mga mukha ng suspek at biktima sa inilabas na CCTV ng MPD.

Tinukoy nila ang pagkakaiba ng uniform ng UST Faculty of Civil Law sa suot ng mga nasa video.

Sagot lang ng MPD, nanggaling ang video sa isang "very credible source."

Inaanyahan nilang pumunta sa MPD ang mga may reklamo para magbigay ng pahayag. 

-- Ulat nina Zyann Ambrosio at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.