Palasyo: 'Isolated case' lang ang pagsisinungaling ni Duterte

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 02:08 AM

Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes, Setyembre 19, na nag-imbento siya ng numero tungkol sa bank accounts ni Senador Antonio Trillanes IV sa Singapore upang hulihin ang senador. 

Samantala, bago pa man ang naging pag-amin ni Duterte, nakapag-ikot na si Trillanes sa mga bangko sa Singapore kung saan napatunayang wala siyang bank account sa DBS bank. 

Pero kahit napatunayang walang bank account sa Singapore si Trillanes, tuloy pa rin ang patutsada ng Pangulo sa Senador na una nang nag-akusa sa kanya ng katiwalian at nagdawit sa anak niyang si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa sindikato ng droga

"Inaatake niya (Trillanes) 'yang si Arroyo for corruption only to join a corrupt regime at nagkaroon ng deposito ngayon... so saan ka nagkuha ng 196 [milyon] kung mahirap ka," ani Duterte.

Para naman kay Trillanes, nakapuntos siya laban sa Pangulo dahil umamin aniya ito na nagsinungaling siya.

Paliwanag naman ng Malacañang, "isolated case" lamang ang pagsisinungaling ng Pangulo.

"May kaniya-kaniya pong style, ano... the President is quite unorthodox," ayon kay Presidential spokesperson Ernesto Abella.

Para naman sa legal and governance expert na si Atty. Tony La Viña, malaki ang epekto ng pahayag ng Pangulo sa kaniyang kredibilidad, sa Pilipinas, at maging sa ibang bansa.

Sabi pa ni La Viña, may mga bagay di namang kailangang itago ang Presidente sa publiko tulad ng mga isyung pambansang seguridad ang nakataya, pero ibang usapin na umano ang pagsisinungaling. --Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.