Disc jockey, natagpuang patay sa Cebu City

Rhea Soco, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 04:03 PM

Patay na nang datnan ng kanyang ama ang 29-anyos na disc jockey sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Busa, Cebu City Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Marie Alexie Bolongaita, anak ng isang radio anchor.

Si Bolongaita ay binaril at napatay sa bahay nito sa Sitio Nivel Hills ng suspek na kinilalang si Reynante Mambiar.

Nahuli ng awtoridad si Mambiar sa ospital, kung saan ito nagpagamot dahil sa mga tama ng saksak. Narekober sa kanya ang ilang mga gamit ng biktima.

Nadiskubre ng ama ng biktima ang bangkay ni Bolongaita alas-6:45 ng umaga.

Narekober din sa ilalim ng kama ang kalibre .22 na baril, at isang duguang patalim.

Wala umanong natamong saksak sa katawan ang biktima pero pinaniniwalaang nanlaban ito kaya nagtamo ng mga saksak ang suspek.

Ayon sa caretaker ng bahay, nakita niya ang suspek na tumalon sa likurang bahagi ng apartment. Binantaan pa siya umano na babarilin sakaling humabol.

Pagnanakaw ang isang anggulong tinitingnan ng awtoridad sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.