1 patay sa sagupaan ng pulis at bandido sa Zamboanga Sibugay

Reuben James Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2017 05:06 PM

Patay sa isang engkuwentro ang hinihinalang bandido na si Moner, Timbol sa Zamboanga Sibugay Martes. Mula sa Naga police station.

Isang notoryus na kasapi umano ng bandidong grupo na nago-operate sa Western Mindanao ang napatay ng pulisya sa isang engkuwentro nitong Martes sa Mamagon, Naga, Zamboanga Sibugay.

Nakilala ang hinihinalang bandido na si Moner Timbol, 44 anyos.

Ayon sa pulisya, nagpapatrolya ang mga kawani ng Zamboanga Sibugay Public Safety Company sa Sitio Pulo Panjang para beripikahin ang ulat na may mga bandido sa lugar. Dito, bigla silang pinaulanan ng bala ni Timbol, kasama ang nasa pitong iba pang armadong kalalakihan.

Tumagal nang halos 10 minuto ang palitan ng putok na ikinamatay ni Timbol. Nakatakas naman ang kanyang mga kasamahan.

Narekober ng awtoridad ang isang kalibre .45 na baril mula kay Timbol.

Sabi ng pulisya, Si Timbol at ang grupo nito ay sangkot sa serye ng pagdukot at pangingikil sa Zamboanga Sibugay at mga kalapit na lalawigan sa Western Mindanao.

Mayroon ring standing arrest warrant laban kay Timbol na ipinalabas ni Judge Demosthenes Manginsay ng Regional Trial Court Branch 24 sa Ipil. 

Ang kaso ay kaugnay ng pagpatay sa isang sundalo noong taong 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.