Nasa kritikal na kondisyon si Clarencio Bernabe Jr. matapos itong buhusan ng gasolina ng kakumpetensiya sa negosyo. Larawan mula sa Kabankalan PNP.
KABANKALAN CITY - Nagtamo ng paso at sunog sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan ang isang tindero ng pritong manok matapos siyang buhusan ng gasolina ng isang kakumpetensiya.
Ayon sa imbestigasyon, naghahanda ng paglulutuan ng manok ang biktimang si Clarencio Bernabe Jr., 19 taong gulang, ng bigla itong binuhusan ng gasolina ni Ryan Dolar, 20 taong gulang.
Nagliyab ang iba't ibang bahagi ng katawan ni Bernabe, na nakahingi pa ng tulong sa mga taong nasa palengke. Agad namang rumesponde ang mga rescuers.
Nagtamo ng third degree burns sa halos buong katawan si Bernabe. Ayon sa kanyang ina, maaring kakumpetensiya niya sa negosyo si Dolar.
Dagdag pa niya, wala naman umanong kaaway ang kanyang anak maliban sa mga kakumpetensiya sa negosyo.
Isinugod rin sa ospital si Dolar na nagtamo ng paso sa kanyang paa.
Ayon sa pulisya, inaalam pa nila ang motibo sa krimen pero posibleng napagtripan lang ng suspek ang biktima.
Isang buwan pa lamang na nagpiprito ng manok ang biktima para sana makatulong sa pamilya, ngunit ngayon ay inoobserbahan pa ito dahil sa kritikal niyang kalagayan.
Maaring maharap sa kasong serious physical injuries si Dolar.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
tagalog news, Kabankalan City, sunog, serious physical injuries, tagalog news, tagalog