Tatlong nagtapon ng sako-sakong basura, ipinarada sa Abra

Carmela Jimenez, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2016 04:48 PM

Tatlong lalaking nahuling sumuway sa ordinansya ng bayan ng Bangued, Abra ang ipinarada habang suot-suot ang mga kartong may nakasulat na "Hindi ako sumusunod, nagtapon ako ng basura." Kuha ni Benedict Bersamira.

BANGUED, ABRA – Tatlong magtitinda ang ipinarada sa palengke matapos mahuling nagtatapon ng apat na sako ng basura sa isang bakanteng lote.

Nakilala sila bilang sina Samuel Gotoc, Jake Duldulao, at Reymart De Vera. Sila ay pinagsuot ng mga karton nagsasabing "Hindi ako sumusunod, nagtapon ako ng basura."

Dagdag pa dito, sila ay inatasang mag-community service at magbayad ng multa na halagang P200.

Ang ordinansya ng munisipalidad ukol sa waste management ay 14 na taon nang ipinapatupad, ngunit aminado ang lokal na pamahalaan na hirap pa rin ang iba nilang mamamayan na sumunod dito.

"Walang pagbabago kaya worry namin 'yan sa waste management. 'Yong mga waste namin na tinatambak sa Calaba River. 'Pag lumaki na ang ilog, pumupunta na sa Ilocos Sur. Kaya meron din tumawag sa akin, na bakit gano'n. Ngayon, iniwasan na namin 'yon. May mga nakausap naman na tayong junk shop," ani Mayor Dominic Valera.

Kanila nang sinuspinde mula pa noong Hulyo ang pangongolekta ng mga trak ng basura at ipinasara na rin ang ilang mga dumpsite sa Abra.

Pinuri naman ni Abra Governmor Maria Jocelyn Bernos ang radikal na polisiya ng pamahalaan ng Bengued gaya ng "shame campaign" na ito, na aniya ay nagpapatunay na seryoso sila sa kanilang gawain.

Dagdag pa niya, inaasahan niyang susunod ang iba pang mga bayan sa ganitong aksyon kahit pa sa hindi katulad na paraan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.