Nueva Vizcaya, posibleng maideklarang ligtas sa malaria

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2016 02:24 AM

NUEVA VIZCAYA – Inihayag ng Provincial Health Office ng Nueva Vizcaya na wala nang naitatalang kaso ng malaria sa lugar, kaya kung magkataon, possible nang maideklarang malaria-free ang probinsya.

Ayon kay Dr. Edwin Galapon, naging matagumpay umano ang ipinatupad na eradication program, partikular sa mga priority area gaya ng Alfonso Castaneda, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Bagabag, Quezon at Diadi.

Kahit ang simpleng pagpapakalat umano ng mga mosquito net ay malaki na ang naitulong sa pagbaba ng bilang ng mga kaso ng malaria, na kumakalat sa pamamagitan ng kagat ng lamok.

Pero patuloy pa rin ang pag-aaral ng mga medical officers ng probinsya para malaman kung may mga Novo Vizcayano na naospital sa ibang lugar dahil sa nakakamatay na sakit na ito. 

Kung magkataong wala, hudyat na umano ito ng pagdeklarang malaria-free ang Nueva Vizcaya.

Noong 2009 ay may naitalang apat na kaso ng malaria sa Nueva Vizcaya. Nitong taon din huling nakapagtala ng kaso ng sakit na ito ang probinsya.