#NeverAgain: Mga protesta sa anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2016 06:53 PM

Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos ang Proclamation 1081 noong Setyembre 21, 1972 na naglagay sa buong Pilipinas sa ilalim ng Martial Law, dahil umano kailangan ng "emergency powers" upang puksain ang karahasang dulot ng mga komunista.

Sa ika-44 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law, nagpahayag ng protesta ang ilang mga Pilipino mula sa iba't ibang mga lalawigan.

Kuha ni Michael Leer Granatin Asuncion, ABS-CBN News

Nag-martsa patungong Plaza Rizal sa sentro ng Naga City, bitbit ang ilang mga streamer, ang mga militante sa Bicol.

Sigaw nila ang kanilang pag-kontra sa mga isyu gaya ng pananatili ng mga puwersang Amerikano sa bansa at pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani na anila ay paglalapastangan sa dignidad at karapatan ng mga biktima ng Martial Law.

Suportado naman nila ang mga usapang pang-kapayapaan sa Mindanao.

Kuha ni Barbara Ann Mijares, ABS-CBN News

Sa Fountain of Justice sa Bacolod City naman nagtungo ang mga miyembro ng Martyr or Mothers and Relatives against Tyranny and Repression upang iparating ang kanilang panawagan laban sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ani Edgar Cadagat, pinuno ng grupo at isa ring biktima ng karahasan noong mga panahong iyon, kahit pa pansamantalang ipinatigil ang pagpapalibing, hindi sila titigil sa kanilang panawagan.

Mahigit 1,000 ang mga biktima ng Martial Law sa Negros Occidental, sabi ni Cadagat, at sila ay nag-aabang ng perang ipinangako sa kanila.

Ang mga progresibo naman sa Northern Mindanao ay nagprotesta sa Cagayan de Oro, sigaw ang katarungan para sa lahat ng mga naging biktima ng Martial Law at hindi pagsang-ayon sa pinaplanong pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Kuha ni Greanne Mendoza, ABS-CBN News

Ang ama ni Kris Buntag, isang guro sa Ateneo de Cagayan, na si Bernardo Buntag Sr., ay dinukot ng tatlong armadong lalaki na pinaniniwalang tauhan ni Marcos noong siya ay bata pa lamang.

Namuhay si Buntag na hinahanap ang ama at naniniwalang buhay pa ito at makakasama pa nila.

Kuha ni Greanne Mendoza, ABS-CBN News

Inalala rin ni Roy Baltazar, 66, ang "psychological torture" na naranasan niya at ng mga kasama sa Camp Alagar sa Cagayan de Oro.

Kasama siya sa mga aktibong nagprotesta laban sa Martial Law at Pamilya Marcos. Ilang buwan siyang nagtago habang tinutugis ng mga awtoridad, at napilitan lamang umuwi upang makita ang amang mamamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.