3 'tulak-droga' patay sa engkwentro sa Malate

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2016 09:07 AM

MANILA - Patay ang tatlong pinaghihinalaang tulak-droga matapos makipagpalitan ng putok sa mga pulis sa Malate, Maynila, Martes ng gabi.

Tumakbo ang tatlong lalaki nang sitahin ng mga pulis sa isang checkpoint sa Roxas Street, ayon kay Chief Inspector Paulito Sabilao, commander ng Arellano police community precinct.

"Hinabol namin tapos nagkaputukan," ani Sabilao.

Wala pang pagkakakilanlan ang tatlo ng napaslang, pero posibleng aniyang may kinalaman sila sa iligal na droga, batay na rin sa mga nakuhang pakete ng hinihinalang shabu mula sa kanila.

Narekober din sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 na baril.

Wala namang nasaktan sa mga pulis na patuloy ang imbestigasyon sa insidente.