PatrolPH

Panukalang pagpapaliban sa barangay at SK elections, muling tinalakay sa Senado

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2022 10:40 PM

Muling dinepensa ni Senator Imee Marcos ang kanyang panukalang Senate Bill 1306 na naglalayong muling ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na naka-schedule sana sa Disyembre 5, 2022.

Sa pagtatanong ni Senador Koko Pimentel, lumalabas na ang mga opisyal ng barangay at SK na naupo sa puwesto matapos manalo sa halalan noong May 2018 ay magiging higit limang taon nang nasa puwesto kung matutuloy ang panibagong pagpapaliban ng halalan sa Disyembre makaraang ipagpaliban ang naunang mga naka-schedule na barangay at SK polls.

“Ang magiging sumatotal ay nasa 5-1/2 years kapag umapak ng December which is sa totoo lang more or less yan ang average eh nasa 4-1/2 to 5-1/2 ang actual term served on the average since 1982 kasi wala na po tayong ginawa kundi mag-postpone ng mag-postpone,” sagot ni Marcos.

Sabi pa ni Marcos, napapanahon na rin na pag-aralan kung kailangan nang i-extend ang tatlong taong termino ng mga barangay officials sa anim na taon.

“From 1982, 1989 all the way to the present we have done nothing but postpone Barangay and SK elections. Perhaps it is time to look more deeply into the reforms required in the system and expand the barangay term to six years given that barangay work particulary during the covid period is so overwhelming and difficult, given the work of the barangay. Sa tingin ko dapat habaan na natin yun term ng ating mga barangay, gawin ng 6-years. Pagkatapos itakda na yung halalan nila sa Mayo - susunod sa presidential elections,” sabi ni Marcos

Pero sabi ni Pimentel, dapat mas madalas sana ang halalan para sa mga opisyal ng pamahalaan na mas malapit sa mga barangay.

“Sila ang magiging longest term - they are considered and LGU. Lahat ng LGU positions 3-years lang po and then kung gagawin nating 6-years doble pa sila sa gobernador at mayor at ‘tsaka the essence of democracy would be periodic elections to renew your mandate and aking palagay nga the lower level of governance ( lower in the sense na closer to the people ) the more frequent sana is the need to get mandate kasi yung pagbabago ng sentimyento mas mabilis ang reaction pag frequent yung ating elections - it will reflect the current sentiment of current will of the people,” sabi ni Pimentel.

Sakaling maging batas ang panukalang SB 1306 ni Marcos, ito na ang magiging ikatlong beses na ipagpapaliban ang barangay at SK elections.

Unang na-postpone ang BSKE noong 2018-2020 at 2020-2022 polls.

Aminado si Marcos na may mga grupong tutol din sa pagpapaliban ng halalan sa Disyembre at maging ang Comelec aniya ay mas nais sanang matuloy na ang halalan.

MAS MAGASTOS ANG PAGPALIBAN NG HALALAN

Aminado si Marcos sa naging pahayag ng Comelec na mas malaki ang gagastusin ng pamahalaan sakaling ipagpaliban na naman ang BSKE sa Disyembre 2022 na tinatayang aabot sa P17 bilyon hanggang P18 bilyon.

“Ang bulk nito is the tax on the honorarium that the Comelec wishes to shoulder. Yun tax don sa mga honorarium sa mga teacher natin - BEI kasi na-veto nga yung batas so yun pala yung nakakasindak don pero amenable naman sila unang-una yung balanse nitong 2022 eh gamitin na natin para sa susunod na taon at dagdagan na lang ng kaunti pero yun problema nga ng honorarium don ang nagpalobo, the tax,” sabi ni Marcos.

Nilinaw naman ni Marcos na hindi buong P17 hanggang P18 bilyon ang ilalaang pondo sa Comelec para sa pagdaraos ng BSKE sa susunod na taon kundi tinatayang nasa P9-bilyon lang na pandagdag sa matitirang budget para sa BSKE ngayong taon.

At sakaling matuloy ang pagpapaliban ng halalan, sabi ni Marcos hindi rin naman malaki ang masasayang na pera sa mga naging paghahanda na ng Comelec.

“Siguro kokonti na lang ang masasayang kasi much of the expense has been in training - the teachers and the BEIs. Yung supplies and materials magagamit naman yan wala namang expiry by 2023. In the meantime yung idadagdag natin na 239,000 na clustered precincts will be an increase from the 207,000 yun ang idadagdag. So kung sabihin natin malaki pa yung natitira sa P8.4-bilyon. Ang pagkaintindi ko close to P800-million… yung tira non mashi-shift natin sa 2023 budget tapos dagdagan na lang natin ng kaunti, so palagay ko hindi naman masyadong sayang,” ani Marcos.

Naniniwala din si Marcos na kailangan nang magkaroon ng reporma sa batas patungkol sa Sangguniang Kabataan.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.