PatrolPH

Pagpapalabas ng pelikula tungkol sa martial law, ipinatigil umano ng pulis sa Pasay

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2022 10:38 PM | Updated as of Sep 21 2022 05:36 PM

Pasay Police, itinangging ipinatigil ang film showing

(UPDATE) Hindi na ipinagpatuloy ng Kabataan Party-list ang nakatakda sanang pagpapalabas nito ng pelikula tungkol sa martial law sa covered court ng Barangay 178 sa Pasay City ngayong Martes.

Ayon sa pahayag ng grupo, ipinatigil ng mga nagpakilalang miyembro ng Pasay City Police Intelligence Unit ang pagpapalabas ng pelikulang "Liway" ni Kip Oebanda.

 

Sentro ng aktibidad ang balik-tanaw sa sitwasyon ng martial law sa ilalim ng administrasyon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang pinuno ng bansa.

Ayon kay Miguel Ochobillo, spokesperson ng Kabataan Partylist-Pasay, ang aktibidad ay bahagi ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng Martial law.

Aniya, nirentahan nila ang covered court at may permiso mula sa barangay.

"Hindi labag sa batas ang pagmulat sa mata ng kapwa kabataan at mamamayan. Direktang pamamasista na ito katulad sa nangyari sa Nazi Germany at noong Batas Militar ni Marcos Sr.," sabi ni Ochobillo.

Ngunit ayon sa hepe ng Pasay City Police na si Col. Byron Tabernilla, hindi nila ipinatigil ang gawain.

Tinugunan lamang umano ng pulisya ang sumbong ng ilang concerned citizens na hindi nasusunod ang COVID-19 protocols sa aktibidad.

"Nasa pandemic pa tayo, may mga larawan kami na walang mga mask. Tapos mga bata ang nag-attend doon. Tinuloy naman nila ang ginawa nila eh," sabi ni Tabernilla.

Itinanggi rin niya ang paratang ng Kabataan na kinuha ng pulis ang registration forms, at wala rin umanong permiso ang gawain.

Watch more News on iWantTFC

Sa opisyal na pahayag ng Kabataan Partylist, sinabing hindi na natuloy ang programa.

"Matapos ang pag-uusap ay nagmatigas ang mga pulis at napilitang hindi na ituloy ang film showing," ayon sa grupo.

Sinabi rin ni Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel na makikipag-ugnayan sila sa mga kinauukulan para maipaliwanag ang kanilang panig.

"‘Yung paglulunsad ba ng film showing ay isang bagay na nakakapahamak sa ating kabataan, lalo na kung ‘yung pinapakita naman ay mga bagay na nangyari noong nakaraan at puwedeng pagkapulutan ng aral ng ating mga kabataan," aniya.

"We will call the attention of the local police unit doon para tiyakin na kung sino man ang involved doon ay malaman na hindi tama ‘yung kanilang ginawa," dagdag ni Manuel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.