PatrolPH

Army truck sumalpok sa bahay sa Calapan City; 5 sundalo sugatan

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2022 01:08 PM

Watch more News on iWantTFC

Limang sundalo ang nasugatan matapos bumangga sa isang bahay ang sinasakyan nilang army truck sa Calapan City, Oriental Mindoro noong gabi ng Lunes.

Nawalan umano ng kontrol ang driver ng truck habang binabagtas ang Strong Republic Nautical Highway sa Barangay Santa Isabel.

Ayon kay Col. Anthony Ramos, hepe ng Calapan police, una munang nabangga ng truck ang barrier bago sumalpok sa isang bahay.

Tulong-tulong ang mga residente at rescue team para makuha ang mga sugatang sundalong naipit sa loob ng sasakyan.

Nawasak din ang bahay na nasalpok ng truck at nakaligtas ang matandang lalaking may sakit na nagpapahinga sa kuwarto.

Pauwi na umano sa kanilang kampo sa Puerto Galera ang mga sundalong miyembro ng Philippine Army 76 Infantry Brigade nang mangyari ang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.