MAYNILA — Nananawagan ang Filipino Nurses United (FNU) sa gobyerno na magsagawa na ng mass hiring ng nurses habang patuloy ang pagdami ng COVID-19 cases at pagsikip ng mga ospital.
Ani FNU president Maristela Abenojar, nasa 20 hanggang 40 percent na ng required manpower ang nalagas sa mga health facility ngayon.
Dahil dito, umiiyak na ang mga nurse sa matinding pagod dahil sa dami ng pasyente at haba ng duty para sa COVID-19 at non-COVID cases.
Dapat na aniyang dagdagan ang kanilang hanay pero panawagan ng FNU, huwag naman sanang abusuhin at paghintayin sa wala ang mga health worker.
"Ang ating mga health workers at nurses nagtiis na talaga simula pa po last year... Sana pasahurin sila nang maayos, sana may security of tenure, hindi lang puro contract of service at saka sana ibigay sa kanilang ang kanilang karampatang compensation," hinaing ni Abenojar.
Hinamon naman ng FNU ang gobyernong ilabas ang listahan ng mga nabigyan ng special risk allowance dahil sa kanilang monitoring, 21 porsiyento pa lamang umano ng kabuuang 1.8 million health workers sa bansa ang nakatanggap nito.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.