PatrolPH

DOH di sang-ayon na naabot na ng NCR ang peak ng COVID-19 cases

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2021 07:58 PM

Watch more on iWantTFC

Hindi sang-ayon ang Department of Health (DOH) sa pahayag ng grupo ng mga eksperto na naabot na umano ng National Capital Region (NCR) ang peak o pinakamataas na bilang ng mga bagong naitalang kaso ng COVID-19.

Bagaman bumagal na ang hawahan sa NCR, hindi pa masabing maaaring nag-peak o naabot na ang pinakamataas na bilang ng mga kaso sa rehiyon, ayon kay Health spokesperson Maria Rosario Vergeire.

"When you say it's peaked na kasi there is this highest number of cases recorded and then there's this decline but right now we cannot see this in our numbers," ani Vergeire.

Kamakailan kasi, sinabi ng OCTA Research Group na maaaring nag-peak na ang COVID-19 cases sa Metro Manila.

Mas mababa na kasi nang 13 porsiyento ang bilang ng mga kaso mula Setyembre 13 hanggang 19 kompara sa sinundan nitong linggo.

"The [University of the Philippines] COVID Response Team and the Department of Health say we're not yet at our peak. They project that we will hit 30,000 or even 40,000 in a day," sabi naman ni Dr. Ted Herbosa, adviser ng National Task Force Against COVID-19.

Base sa projection ng DOH, maaaring sa katapusan ng Setyembre o Oktubre pa maabot ang peak.

Dahil din kakasimula pa lang ng pag-iral ng alert level system sa Metro Manila, hindi pa masabi ng DOH sa ngayon kung ano ang susunod na magiging alert level, lalo't kailangan pang i-assess ang kasalukuyang pilot implementation. 

Kumbinsido naman ang Palasyo na maayos ang sistemang ipinatutupad sa NCR ngayon.

Samantala, ayon din sa DOH, ang mas nakahahawang Delta variant na ngayon ang pinakalaganap na variant sa Pilipinas, base sa mga sample na isinailalim sa genome sequencing.

Higit 3,000 sample na mula sa higit 4,000 sample na sumailalim sa genome sequencing ang nakitang positibo sa Delta variant.

Ngayong Lunes, nakapagtala naman ang DOH ng 18,937 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 2,385,616, kung saan 176,850 ang active cases o may sakit pa rin.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.