Pulis patay nang rumesponde sa panghoholdap sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2020 03:34 PM | Updated as of Sep 20 2020 10:20 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Patay ang isang pulis habang sugatan ang 3 iba pa sa pag-atake ng mga umano'y holdaper sa Santa Cruz district sa Maynila hapon ng Sabado.

Kinilala ang nasawing pulis bilang si Police Executive Master Sgt. Roel Candido, 53, ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD). Ang ibang biktima ay kinilala bilang may-ari at sales staff (parehong babae) ng isang jewelry shop sa Chinatown Gold Center, at ang kanilang lalaking driver.

Lulan ng puting Toyota Innova ang 3 biktima nang harangin sila ng pulang Mitsubishi Mirage sa may Florentino Torres Street bandang alas-5:40 ng hapon, ayon sa MPD.

Nilapitan ng hindi bababa sa 3 lalaking suspek ang saskayan ng mga biktima at pinaulanan umano ito ng mga bala.

Nakasunod naman sa Innova ang biktimang pulis na si Candido, sakay ng kaniyang motor, kaya nagbalak itong rumesponde sa pangyayari.

Pero bago pa mailabas ni Candido ang kaniyang service firearm ay pinagbabaril na siya ng mga salarin na siyang sanhi ng kaniyang pagkamatay, sabi ng MPD.

Kinuha ng mga suspek ang firearm ni Candido, maging ang 3 bag sa loob ng sasakyan ng ibang biktima na naglalaman, ayon sa pulisya, ng mga cellphones at hindi pa malamang halaga ng store sales.

Isinugod naman sa ospital ang mga biktimang nasa sasakyan.

Ang 43 anyos na jewelry shop owner ay may tama ng bala sa kanang paa, samantalang may "graze wound" sa kaniyang likod ang 20 anyos na saleslady, ayon sa ulat ng MPD.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

-- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.