COVID-19 cases sa Pilipinas umabot na sa 286,743

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2020 06:45 PM

Sumampa na sa higit 286,000 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong Linggo, base sa tala ng Department of Health.

Nakapagtala ang DOH ng 3,311 bagong kaso ng COVID-19, dahilan para umabot sa 286,743 ang total cases.

Karamihan sa mga bagong kaso ay galing Metro Manila, Negros Occidental, Laguna, Rizal at Cavite.

Nasa 51,894 naman ang bilang ng active cases o iyong mga hindi pa gumagaling sa sakit, ayon sa health department.

Naiulat din ng kagawaran ngayong Linggo ang 20,021 na bilang ng mga gumaling sa COVID-19 sa ilalim ng "Oplan Recovery." Sa kabuuan, umabot na sa 229,865 ang total recoveries.

Nadagdagan naman ng 55 ang bilang ng mga namatay, dahilan para umakyat ang death toll sa 4,984.

Isang pulis naman ang namatay sa Pasig City matapos tamaan ng COVID-19. Siya ang ika-4 na pulis sa Metro Manila na namatay dahil sa sakit.

Ayon sa National Capital Region Police Office, Setyembre 10 nang lumabas ang resulta na positibo sa sakit ang 38 anyos na pulis.

Noong una ay mild symptoms lang ang naramdaman umano ng pulis pero lumala ito.

Matapos ang 7 araw, namatay ang pulis dahil sa pulmonary embolism secondary to COVID-19.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs, umakyat ngayong Linggo sa 10,390 ang bilang ng mga Filipino sa ibang bansa na nahawahan ng COVID-19.

Ito ay matapos umanong makapagtala ang kagawaran ng 4 bagong kaso.

Sa bilang na iyon, 3,019 na lang ang patuloy na nagpapagaling matapos maka-recover ang 6,594 at bawian ng buhay ang 777, ayon sa DFA. -- May ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.