'UTI lang daw': Doktor sa PMA iimbestigahan sa pagkamatay ng kadete

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 09:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinumpirma ng medico-legal na hazing ang sanhi ng pagkamatay ng 20-anyos na kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na nagtamo ng mga pasa sa sikmura at palibot ng pusod.

Namatay si 4th class cadet Darwin Dormitorio noong Miyerkoles dahil sa blunt force trauma sanhi ng internal hemorrhage o pagdurugo sa loob ng katawan.

"There are contusions, hematomas, pasa, pamamaga from the outside of the body, tapos may mga napunit na tissues at nabugbog na internal organs na naging sanhi ng pagdudugo," sabi ni Police Capt. Reynaldo Dave.

Kasalukuyan ang imbestigasyon ng mga pulis kaugnay sa kaso.

"We already have 3 persons of interest. Possible that they will be charged of anti-hazing law and possibly more upon conclusion," sabi naman ni Police Col. Allen Rae Co ng Baguio City police.

Nakakulong muna sa akademya ang 2 kadete na kasama sa persons of interest habang iniimbestigahan pa ang isa sa kanila.

Nasa 20 squad mates at upperclassmen naman ni Dormitorio ang magsisilbing witness.

Bukod dito, iimbestigahan din ang isa sa mga doktor ng akademya.

Bago kasi nawalan ng malay sa loob ng kuwarto si Dormitorio, na-confine muna ito sa ospital nang isang araw at sinabi na urinary tract infection lang ang sakit nito.

"We are doing interventions and that is the subject of our self criticism. Admittedly there are some administrative lapses," sabi ni Lt. Gen. Ronnie Evangelista, superintendent ng PMA.

Ito na ang ikalawang na-ireport na insidente kung saan may namatay na kadete dahil sa hazing.

Titiyakin daw ng akademya na di na ito mauulit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.