Nigerian na sangkot sa online scam, patay

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 03:41 PM | Updated as of Sep 20 2019 03:56 PM

KASABWAT NA PINOY, ARESTADO

MAYNILA – Patay ang isang Nigerian national habang arestado ang kasabwat nitong Pilipino sa online scam sa isinagawang raid ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division sa Cavite.

Nakilala ang mga suspek na sina Okoroike Harrison Chibuike at Eduard Parcedes Godeloson.

Dead on arrival sa pagamutan ang dayuhan na pinaputukan ng mga operatiba nang maging bayolente sa isinagawang operasyon.

Ayon sa NBI, nakatanggap sila ng tip patungkol sa iligal na aktibidad ng mga suspek na nag-o-operate sa Cavite City.

Target ng kanilang illegal online operation ang mga Pinoy na ninanakawan nila ng impormasyon at para pagkaperahan online.

Sa bisa ng search warrant, isinagawa ng mga operatiba ng NBI-CCD ang pagsalakay sa target area na kinaroroonan ng mga suspek nitong Martes.

Pagdating ng raiding team, nagpakilala pa umanong miyembro ng Philippine Army ang Pinoy na suspek at pinapaalis ang team ng NBI. Mayroon na umanong ongoing na operation ang kanilang unit at para maiwasan ang putukan sa pagitan ng kanilang tropa.

Habang nakikipag-usap naman ang Pinoy na suspek, dito na umano nagtangkang tumakas ang dayuhan at naging bayolente pa kaya’t pinaputukan ng mga awtoridad.

Nadiskubre ng NBI na modus ng mga suspek na magbenta ang kasabwat nitong Pinoy ng mga blangkong cards sa grupo ng mga Nigerian para sa kanilang illegal online activities.

Kinasuhan na si Godeloson ng mga kaso kabilang dito ang paglabag sa Republic Act 8484 o Access Device Regulation Act of 1998, Usurpation of Authority at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.