Lalaking nakaposas binaril sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 07:31 AM

MAYNILA—Patay ang isang nakaposas na lalaki matapos pagbabarilin sa Barangay Bangkal, Makati City Biyernes ng madaling-araw.

Tadtad ng tama ng bala ang biktima na nakasuot ng itim na T-shirt at cargo shorts.

Ayon sa barangay, alas-2:30 ng madaling-araw nang i-report sa kanila ang insidente.

Nakarinig umano ng mga putok ng baril ang ilang residente bago natagpuang nakahandusay sa kalsada ang lalaki.

Merong nakuhang ID mula sa biktima pero hindi muna pinangalanan ng mga pulis dahil hindi pa naipapaalam sa kamag-anak ang nangyari.

Narekober sa crime scene ang 5 basyo ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.