Lalaki patay sa ambush sa Maynila

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 01:04 PM

MAYNILA - Patay ang isang tsuper sa pamamamaril ng 3 hindi pa nakilalang mga salarin na lulan ng motorsiklo sa Sta. Cruz, Maynila Biyernes ng umaga.

Dead on arrival sa Jose Reyes Hospital ang biktimang si Johnny Etchore Jr., company driver ng isang pribadong kumpanya at residente ng Tanza, Cavite.

Base sa salaysay na ibinigay sa pulisya ng ilang testigo, minamaneho ng biktima ang silver na mini-van nang huminto ito sa intersection ng Quiricada Street sa Sta. Cruz.

Habang naghihintay ng green light, bigla naman itong tinabihan ng tatlong kalalakihan na lulan ng kaniya kaniyang motorsiklo at malapitang pinaputukan ang biktima.

Hinala ng awtoridad na posibleng binuntutan na ng mga salarin ang biktima hanggang sa makakuha sila ng tiyempo.

Agad namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Rizal Avenue.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.