Drayber patay sa karambola ng 3 truck sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 05:31 AM | Updated as of Sep 20 2019 02:59 PM

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA - Patay ang isang drayber sa karambola ng 3 truck sa Buendia-Osmeña flyover sa Makati City nitong Biyernes ng hatinggabi.

Naipit ang drayber na si Manuel Nebres at inabot ng halos 2 oras bago ito naialis upang madala sa pagamutan.

Humihinga pa si Nebres nang itakbo sa kalapit na ospital pero namatay din kalaunan.

Base sa imbestigasyon, naatrasan ng trailer truck na may plakang AKB 4852 ang 16-wheeler truck na may plakang ACN 5025 na minamaneho ni Nebres.

"Dala ng bigat ng karga niya, hindi kaya ng preno niya," ani Police Maj. Cosme Tante Jr. ng Makati City Police Community Precinct (PCP) 5.

Pumihit ang bahagi ng trailer truck at tinamaan ang dumadaan na container van na may plakang ABR 3274.

Tumakas naman ang drayber at pahinante ng trailer truck na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property and homicide.

Inabot na ng pagsikat ng araw bago naalis ang mga truck, dahilan para tumukod ang traffic sa Osmeña Highway hanggang rush hour.


—Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.