340 kilo ng pork skin na ibiniyahe sa Laoag kinumpiska

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 08:27 PM

Dinala na ang pork skin sa likod ng Laoag City slaughterhouse para ibaon. Larawan mula kay James Lemuel Salvador

LAOAG CITY – Nasa 340 kilo ng pork skin na nangangamoy na ang kinumpiska ng awtoridad matapos na madiskubreng ibiniyahe ang mga ito sa bus mula Maynila papuntang Ilocos Norte.

“I am glad that this was discovered and the people of Laoag will be safe by not eating this,” pahayag ni Laoag City Mayor Michael Keon.

Ayon kay Dr. Loida Valenzuela, Provincial Veterinarian ng Ilocos Norte, sa tagal ng biyahe sa bus ay nagtubig na ang pork skin na ibinalot sa plastic at inilagay sa karton.

“Una, dapat sana sa tagal ng biyahe nasa refrigerated van ang mga pork skin. Number two, Meat Code na-violate din. Walang mga documents, and number 3, we are watching over a disease na African Swine Fever,” sabi ni Valenzuela.

Kinumpiska na ang mga ito ng Provincial Veterinary Office at dinala sa likod ng slaughterhouse para ibaon. Tinawagan din ang consignee o ang nagpadala ng mga ito.

Napag-alamang dadalhin ang pork skin sa pagawaan ng chicharon sa bayan ng Paoay.

“With the advice of the governor, imi-meet natin 'yung truck operators, way bills ito 'yung mga bus companies para nang sa ganun ma-advise din nila 'yung management,” paliwanag ni Valenzuela.

Tinatayang nagkakahalaga ng P34,000 ang mga nakumpiskang pork skin.

May executive order na rin si Ilocos Norte Governor Matthew Manotoc na nagbabawal sa pagpasok ng baboy at karne ng baboy mula Bulacan at Rizal, kung saan may naitalang mga kaso ng swine fever.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.