2 suspek sa umano'y 'double your money' scam timbog sa entrapment

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 04:53 PM | Updated as of Sep 20 2019 06:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Arestado sa entrapment operation ang dalawa umanong scammer na nanggogoyo ng mga biktima sa isang "double your money" investment scam gamit ang social media.

Matapos buksan ang envelope na naglalaman ng P3 milyong boodle money mula sa pulis na nagpanggap na investor, agad nang hinuli ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Anti-Fraud and Commercial Crimes Division sina Angelo Gonzales at Tristan Joshua de Guzman.

Ayon sa CIDG, pasimuno umano sila ng isang investment scam na tinatawag na "double your money scheme."

"First to three transactions, pagbibigyan ka pa dahil may return of investment, maeengganyo ka nang lakihan ang investment, [pero biglang] hindi na magpapakita ang mga ito," ani Police Lt. Col. Bayani Razalan, hepe ng CIDG-AFCCU.

Ang umano'y tumatayong CEO ng kompanyang si Jerolyn Coloma ay nagreklamo na rin sa CIDG dahil ginamit lang daw ang pangalang niya.

Sa Coloma tuloy ang hinahabol ng investors.

"Di na po ako umuuwi ng bahay, mga anak ko po inuwi ko po sa probinsiya. May text po sa akin na isa sa pamilya ko kukuhanin nila," hinaing ni Coloma.

Depensa naman ng suspek, may pruweba siya na totoo ang kanilang investment scheme.

"May maipapakita po akong proof na nagte-trade po talaga kami," sabi ni Gonzales.

Nangako rin itong ibabalik ang mga pera ng complainants.

"Akong bahala, aayusin natin ito, ire-refund natin mga dapat i-refund," dagdag ng suspek.

Sasampahan ng reklamong syndicated estafa ang mga suspek at 4 pang kasamahan ng mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.