TINGNAN: Ulan sa Davao City may kasamang yelo

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 04:38 PM | Updated as of Sep 20 2018 10:30 PM

 

DAVAO CITY - Laking gulat ng ilang residente sa Purok 5 sa Toril dito sa siyudad nang makitang may kasamang yelo ang ulan sa kanilang lugar ngayong Huwebes ng hapon. 

Sa video ni Dhanika Kaye Duo, makikita ang maliliit na piraso ng yelo na pumatak sa kanilang kinaroroonan. Sa malapitang tingin, makikitang pabilog pa ang hugis ng yelo. 

Kuwento naman ng isa pang residente na si Guillerma Tan, imbes na mabahala ay nawili siya sa ulang may yelo dahil unang beses niya itong naranasan.

“Natingala ko kay ngano murag bug-at. Ana ko mura mag bato ang nangahulog. Gitan-aw namo sa atop, nangahulog ang ice. Nag-uban sa ulan,” aniya.

(Nagtaka ako kasi parang mabigat. Sabi ko baka mga bato ang nahuhulog. Kaya tiningnan ko ang atip, nahulog ang ice. Kasama sa ulan.)

Nayupi naman nang kaunti ang maliit na bahagi ng atip ng tindahan ni Leni Babao matapos mahulugan ng yelo sa pag-ulan.

“Ang atop namo, nag piti-piti naman. Naglagapak na among sin. Hantod sa nalumping na gyud among sin, nag ice na diay to.”

(Ang atip namin, may tumatagaktak na. Lumagapak na 'yung sin namin. Hanggang sa nayupi na 'yung sin. Ice na pala yun.)

Ayon sa PAGASA, madalas na nabubuo ang hailstones tuwing may thunderstorm sa panahon ng tag-init sa bansa. Nanggagaling aniya ang yelo sa cumulonimbus clouds.

Paalala naman ng PAGASA na iwasan ang lumabas ng bahay kung may hailstones dahil possibleng may malalaking yelo na mahuhulog.