Tangkang pagpapasabog sa Compostela Valley naudlot

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 05:51 PM

Hinala ng awtoridad na mga miyembro ng New People's Army ang nagtanim ng improvised explosive device sa kalsada. Larawan mula sa 71st Infantry Battalion ng Philippine Army


MACO, Compostela Valley - Naudlot ang tangkang pagpapasabog ng isang improvised explosive device (IED) dito sa bayan matapos itong madiskubre ng mga magsasaka, Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa mga magsasaka na sina Loreto Concon at Artemio Mandaue, una nilang nakita ang electrical wiring na bahagyang nakabaon sa lupa. Di nila inakalang may karugtong pala itong IED na nakabaon din sa kalsada.

Agad silang tumakbo papalayo sa lugar sa takot na baka ito sumabog. Ipinagbigay-alam din nila sa mga sundalo ang natagpuang bomba.

Napag-alaman na anti-vehicle landmine at anti-personnel landmine ang nakuha sa kalsada.

May narekober din silang 50-metrong electrical wirings.

Ayon sa 71st Infantry Battalion ng Philippine Army, grupo ng Section Committee ng New People’s Army ang responsable sa planong paghahasik ng gulo bago ang ika-46 na anibersaryo ng martial law.

Nakiusap naman ang mga opisyal ng barangay na huwag na itong ulitin dahil maraming sibilyan ang madadamay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.