Rescue sa Itogon landslide, bibilis sa pagpasok ng heavy equipment

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 10:20 PM | Updated as of Jan 09 2020 12:44 PM

Watch more in iWantTFC

Inaasahang mas bibilis na ang paghuhukay sa mga natabunan ng landslide sa Barangay Ucab sa Itogon, Benguet dahil sa pagpasok ng heavy equipment na tutulong sa pagtanggal ng lupa.

Nakababa na ang backhoe sa landslide area Huwebes ng tanghali at malaki umano ang maitutulong nito dahil mas maraming lupa ang mahahakot kumpara sa mano-manong pagpapala.

Nasa 1,000 na rin ang bilang ng mga rescuer na nagtutulong-tulong para mas bumilis ang search, rescue at retrieval ops sa mga biktima. 

Ang mga heavy equipment daw ang matagal nang hinihintay ng mga rescuer para mas mapagaan ang kanilang trabaho.

Pitong bangkay ang na-recover nitong Huwebes kaya umabot na sa 29 ang patay sa landslide habang 40 naman ang hinahanap pa.

Watch more in iWantTFC

Samantala, hindi muna pinayagang bumalik sa Bgy. Ucab ang may 2,000 lumikas na residente dahil delikado pa umano ang lugar, ayon sa Mines and Geosciences Bureau-Cordillera.

Ayon sa MGB-Cordillera, posible pa kasing maulit ang landslide.

"Kung maaari huwag na muna silang bumalik...dahil nagbabadya na may paggalaw ulit sa lupa. Characteristic talaga ng bundok is talagang prone talaga sa ground movement," paliwanag ni Benigno Espejo ng MGB.

Taong 2011 ay inabisuhan na pala ng MGB ang lokal na pamahalaan na bawal ang mga residente sa lugar.

Depensa naman ng alkalde nito, di nila mapigilan ang mga tao. 

"If you are the LGU (local government unit) kahit na nandiyan ang report ng MGB na geohazard, ang sinasabi ng mga tao ay noon pa nandiyan na sila...We cannot control the people during those times lalo na't trabahador sila ng iba't ibang kompanya ng minahan diyan," paliwanag ni Itogon, Benguet Mayor Victorio Palangdan.

Pero nangamba ang mga residente na wala silang mapagkakakitaan sakaling ilipat ng lugar.
    
"Wala naman kaming ibang source of income kundi pagmimina lang...San tayo magtatanim dito lahat dito ay mga bato na. Minina ng dating kompanya," ani Jacinto Kimmayong, minero. 

Problema pa ngayon ang permanenteng malilipatan ng mga residenteng lumikas.
    
—Ulat nina Micaella Ilao at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.