P8 milyong halaga ng storage device para sa 'pamimirata' nasamsam sa Quiapo

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 06:42 PM

Sinalakay nitong Huwebes ng mga awtoridad ang isang gusali sa Maynila, kung saan nakumpiska ang libo-libong mga storage device na ginagamit sa pamimirata ng mga palabas at kanta.

Tinatayang higit P8 milyon ang halaga ng mga USB at SD card na nakuha ng mga tauhan ng Optical Media Board (OMB) at miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa mga tiyangge sa isang gusali sa Quiapo.

Laman ng mga storage device ang mga piniratang pelikula, serye at kanta.

Naniniwala ang OMB na bukod sa pamimirita, peke rin ang mga ibinebentang SD card at USB dahil sa baba ng kanilang presyo, na nasa P250 kada isa.

Kahit pa mataas ang memory ng mga device, minsan ay bumababa pa raw ang mga presyo ng mga ito hanggang P170.

Bukod sa umano'y pamimirata ng mga kanta at pelikula, wala ring maipakitang dokumento o lisensiya ang mga nagtitinda na nagpapahintulot sa kanilang mag-angkat, magbenta at mamahagi ng mga storage device.

Ayon sa isang tindera, dumating sa kanila ang mga SD card at USB na may laman na.

Nasa kustodiya ng OMB ang mga nakuhang storage device.

Plano din ng ahensiyang sampahan ng kasong administratibo at kriminal ang mga may-ari at supplier ng mga ito.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.