NPA inamin ang pagsunog sa heavy equipment sa Negros Oriental

Barbara Mijares, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 01:07 AM

Inamin ng rebeldeng New People's Army ang pagsunog sa dalawang backhoe at isang payloader sa bayan ng Santa Catalina, Negros Oriental noong Sabado.

Sa pahayag ng Rachalle Mae Palang Command (RMPC), isang unit nila ang nagsagawa ng pagsunog sa mga heavy equipment ng quarry operator na H.N. sa Barangay Cawitan.

Ayon sa spokesperson na si Ka Estrella Banagbanag, may mga namatay umano sa lugar dahil sa dredging activities ng operator sa Cawitan River sa loob ng 21 taon.

Dagdag pa niya, marami na umano silang natatanggap na reklamo mula sa mga residente laban sa quarry operator.

Wala rin umanong ginagawa ang otoridad at hindi pinapanagot ang mga naturang quarry operator.

May epekto rin umano ang quarry operation sa mga magsasaka sa lugar.

Nauna nang sinabi ng Philippine Army na pagpapakita lamang ng puwersa ang ginagawa ng NPA at nananawagan rin ito sa mga residente na ipaalam agad sa awtoridad kung may nakikita silang mga aktibidad ng NPA.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.