Mga 'nawalang' opisyal sa kasagsagan ng Ompong, pinagpapaliwanag

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 06:28 PM | Updated as of Jan 09 2020 03:49 PM

Watch more in iWantTFC

Pinagpapaliwanag ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang hindi bababa sa 16 alkalde na wala umano sa kanilang mga nasasakupan noong kasagsagan ng bagyong Ompong.

Ayon kay Bernardo Florece Jr., DILG undersecretary for peace and order, karamihan sa mga alkaldeng iimbestigahan nila ay mula sa Cagayan at Cordillera, mga rehiyon kung saan labis na nanalasa si Ompong, na sa ngayon ay pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa nitong taon.

"There are reports that some local chief executives were not around during the typhoon," ani Florece.

("May mga ulat na may ilang local chief executive na wala [sa kanilang mga nasasakupan] noong may bagyo.")

"They will be given 5 days to explain their side. We will determine if their reasons are justifiable. If not, we will file complaints before Sangguniang Panlalawigan or the Ombudsman."

("Bibigyan natin sila ng limang araw para magpaliwanag. Titingnan natin kung makatuwiran ang kanilang mga dahilan. Kung hindi, magsasampa tayo ng reklamo sa Sangguniang Panlalawigan o sa Ombudsman.")

Dagdag pa ni Florece, bago pa dumating ang bagyo, nag-abiso na sila sa mga alkalde na huwag iwanan ang kanilang nasasakupan. Dapat ay nandoon daw sila para magpatupad ng paglikas, at pangasiwaan ang pamimigay ng ayuda at pagsagip.

Kabilang din sa mga iimbestigahan ang mga opisyal ng barangay, ayon kay DILG undersecretary for barangay affairs Martin Diño.

"Kapag nawala ka kapitan, mayroon kang criminal liability. Kapag may namatay, kasalanan mo 'yan dahil hindi mo tinupad ang trabaho mo," ani Diño.

Nangako naman ang Palasyo na bibigyan ng due process ang mga iimbestigahang alkalde.

Sa ilalim ng Local Government Code, ang mga alkalde ang mangangasiwa sa mga emergency measure o dapat gawin sa panahon ng kalamidad.

Sila rin ang mamumuno sa mga lokal na disaster risk reduction and management council na siyang magrerekomenda kung kinakailangan ng evacuation.

Sa huling tala, umabot na sa 81 ang naitalang nasawi dahil sa Ompong. Karamihan sa mga ito ay mula sa Cordillera kung saan nagdulot ng mga pagguho ng lupa ang malalakas na pag-ulan.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.