Lalaki, sinilaban ang dating asawa dahil sa pagtatalo

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 11:31 AM

ANGELES CITY – Nagpapagaling ngayon sa ospital ang isang 37-anyos na babae matapos na malapnos ang kanang bahagi ng kaniyang mukha nitong Lunes.

Ayon sa Angeles City Police Station 4, nasunog ang mukha ng biktima matapos silaban ng dating asawa sa Barangay Anunas.

Sa imbestigasyon, matagal nang hiwalay ang dalawa.

Pumunta ang biktima sa bahay ng suspek para dalawin ang kanilang dalawang anak. Pero nagkaroon umano ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa binuhusan na lamang ng gasolina ng suspek ang biktima at sinindihan gamit ang lighter.

Kaagad itinakbo sa ospital ang biktima na nagtamo ng 2nd degree burn sa mukha habang patuloy namang tinutugis ang suspek na tumakas matapos ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.