Ina huli sa umano'y pambubugaw sa mga anak

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 02:32 PM | Updated as of Jan 09 2020 03:47 PM

Watch more in iWantTFC

Naaresto nitong Huwebes sa Quezon City ang isang ina dahil sa umano'y pagpapalabas sa kaniyang mga batang anak nang hubad sa internet.

Sinalakay ng mga awtoridad ang nagsisilbing studio ng suspek na si alyas "Lory" sa Sitio Pajo, Baesa matapos tanggapin ang alok ng pulis na nagpanggap bilang kliyente.

Nakakuha ng sumbong ang Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) na ginagamit ni Lory sa kaniyang liveshow operation ang mga anak na may mga edad 12, 10, 6, at 4 anyos.

Pinaghuhubad daw ni Lory ang mga bata sa harap ng camera kung nais ng mga kostumer, sabi ni Chief Superintendent William Macavinta, hepe ng PNP-WCPC.

Inamin ni Lory na nagsasagawa siya ng mga web show pero wala raw silang ginagawang malaswa.

Nasagip ng mga pulis ang mga anak ni Lory at inabutan pa ang mister ng suspek na sinabing wala siyang alam sa raket ng misis.

Kakasuhan si Lory ng paglabag sa Republic Act No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.

Isasailalim naman sa counseling ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang apat na bata.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.