Bahay ng komentarista sa Negros Occidental, pinagbabaril

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 05:41 PM

TALISAY CITY - Pinagbabaril ang ng mga hindi pa nakikilalang salarin ang bahay ng isang komentarista dito sa lungsod Miyerkoles.

Ayon sa radio broadcaster na si Rey Siason, bandang alas-10 ng gabi nang marinig ng kaniyang mga anak ang sunod-sunod na putok sa labas ng kanilang bahay.

Natagpuan ang basyo ng 5 bala sa entrada at balkonahe ng bahay ni Siason.

Naniniwala ang mamamahayag na may kinalaman ang pamamaril sa kaniyang trabaho bilang komentarista sa radyo.

May mga nagpapadala na ng mga banta sa text noong nakaraang taon pa, sabi ni Siason.

Tinuligsa naman ng ng Negros Press Club at National Union of Journalists of the Philippines ang insidente.

Ang pamamaril at pagbabanta sa mga mamamahayag ay maituturing na "represyon at pagpapatahimik" sa mga miyembro ng media, sabi ng mga grupo sa isang pahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.