2 opisyal ng radio station sa Gen San, inakusahan ng pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2018 12:35 PM

Arestado ang 2 empleyado ng Bombo Radyo sa General Santos City kamakailan, matapos umano nila kikilan ang isang pastor na binabatikos nila sa kanilang programa sa radyo.

Nahuli ang mga suspek nang magsagawa ng entrapment operation ang mga awtoridad sa isang kainan sa isang mall sa Barangay Lagao, Martes.

Nakuha mula kina Jonathan Macailing, station manager ng Bombo Radyo General Santos, at Salvador Galano, news director ng himpilan, ang isang backpack na naglalaman ng P5 milyon na umano'y kinikil nila mula sa pastor.

Ayon sa National Bureau of Investigation, inireklamo ng pastor na si Joel Apolinario ang 2 matapos umano siyang hingan ng P10 milyon upang tigilan ang pambabatikos sa kaniya.

Unang humingi ng P5 milyon ang dalawa pero kailangan pa daw dagdagan ng P5 milyon kaya naging P10 milyon ang kinikil nila, sabi ni Apolinario.

Itinanggi naman ni Macailing ang mga alegasyon ng pangingikil laban sa kaniya.

"I was invited for lunch. Before pa, kahit sa station, may attempt na si pastor na magbigay pero ‘di namin gusto," sabi ni Macailing.

Kinasuhan sina Macailing at Galano ng robbery with violence or intimidation.

Handa ang kampo ng mga mamamahayag na harapin ang kaso sa korte.

"I am morally convinced that this is a setup," sabi ni Luis Salazar, abogado ng mga suspek.

Matagal nang tinutuligsa ng mga suspek si Apolinario sa kanilang programa sa radyo dahil sa pagkakasangkot umano ng pastor sa isang investment scam na nag-aalok ng 30 porsiyentong tubo.

- ulat mula kay Francis Canlas, ABS-CBN News